Mismong ang Department of Labor and Employment (DOLE) na inatasang wakasan ang endo scheme o end of contract sa pribadong sektor ay mayroong mga contractual employees.

Ito ang natuklasan sa pagdinig sa P10.82 ­billion na pondo ng DOLE kahapon sa Kamara sa interpelasyon ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio kay Secretary Silvestre ‘Bebot’ Bello III.

Ayon kay Bello sa 6,300 empleyado ng ahensya sa buong bansa, 686 dito ay Job Order (JO) subalit hindi, aniya, nagtatagal ang mga ito ng isang taon sa kanilang trabaho.

“‘Yung ang problema, kayo ang ahensya na mag-implement ng batas sa pribadong sektor tungkol sa contractualization pero kayo mismo ay may mga job order,” ani Tinio.

Magugunita na noong panahon ng kampanya ay ipinangako ni Duterte na wawakasan na nito ang endo.