Dinagsa na ng mga aplikante ang tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa P5,000 financial assistance na ipagkakaloob nito sa mga nawalan ng trabaho dahil sa enhanced community quarantine.

Ito ang nabatid kay Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique R. Tutay.

Kaugnay nito, nasa 100,000 na ang naproseso ng DOLE sa mga aplikante nito at waiting for payment na lamang.

Sinabi ni Tutay na nakapamahagi na rin ng P5,000 financial assistance ang DOLE sa mga formal sector mula sa Metro Manila, Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon), at Region 3 o Gitnang Luzon.

Ayon kay Tutay, kailangan lang mag-submit ang mga employer ng payroll list sa mga tanggapan ng DOLE, isasailalim agad ito sa evaluation at kapag pasado ay isusumite sa regional office na siyang mag-aasikaso sa paglalabas ng tulong pinansiyal.

Ang iba umano ay maaaring ipadala diretso sa money remittance center kailangan lang ibigay ng empleyado ang buong pangalan nito, address at cellphone number para ma-text sila at makuha ang pera.

Sa pahayag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III sa Laging Handa Public Briefing nitong Lunes, sinabi ng kalihim na ang P5,000 financial assistance ay para sa mga formal worker o iyong mga manggagawa na apektado ng lockdown.

“[Ang] mga manggagawa na `di nakapasok bibigyan ng one time assistance. `Yong mga employer soonest possible time ipadala nyo na ang payroll [list] ninyo,” ani Bello.

“We will give the P5,000 cash assistance within 48 hours upon receipt of the payroll,” sabi pa ng kalihim. (Riz Dominguez)