DOLE pinalakas ang kampanya vs endo

Palalakasin ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ginagawa nitong inspeksiyon sa mga kompanya sa bansa matapos maglagay ng 35 bagong labor law compliance officer upang tiyakin na hindi sila nagpapatupad ng ipinagbabawal na ­labor-only contracting at hindi lumalabag sa batas-paggawa.

Ito’y makaraang isumite sa Malacañang ang listahan ng mahigit 3,000 kompanya na nakitaan na lumalabag sa ipinagbabawal na illegal contracting at sub-contracting.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, may 200 bagong labor inspector ang madaragdag sa 500 naka-­deploy sa buong bansa. Ang mga bagong rekrut ay bahagi ng 2,000 bagong inspector na kinakailangan ng DOLE para sa pag-inspeksiyon sa mahigit 900,000 establisimyento sa buong bansa.

Pinangunahan ni Bello ang panunumpa sa kanilang katungkulan ng 35 bagong labor laws compliance officer na ide-deploy sa mga kritikal na lugar. Kanyang hinamon ang mga bagong opisyales na ibigay ang kanilang buong kakayahan sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang labor inspector.

“Ngayon, kayo ay ganap nang labor inspector. Ito ay malaking responsibilidad dahil naatasan kayo na ipagtanggol at tuparin ang ating pangako na proteksiyunan at pangalagaan ang ating manggagawang Filipino,” ani Bello.

Naatasan ang mga labor inspector na bisitahin, tingnan at inspeksiyunin ang mga establisimyento sa buong bansa upang tiyakin ang pagsunod ng mga ito sa ge­neral labor standards at occupational safety and health standards.

“Bilang karagdagan sa talaan ng labor laws compliance officers (LLCO), inaasa­han na makakatulong kayo para matiyak ang tagumpay ng ating kampanya na mabigyan ang mga manggagawang Filipino ng seguridad sa trabaho, protekta­han ang kanilang karapatan, at mapangalagaan ang kanilang kapaka­nan at pagtitiyak na ligtas ang kanilang lugar-paggawa,” dagdag ni Bello.

Labindalawa sa mga bagong LLCOs ay licensed engineer; tatlo ay under board engineer, 10 ang nurse, at tatlo ay nagtapos ng abogasya. Ang iba ay teacher, at nagtapos ng commerce, business management at criminology.

“Inyong tandaan na ngayon kayo ang ma­ngunguna at ang pinakamahalaga sa inyong tungkulin ay ang pa­ngangalaga sa karapatan, kapakanan at kaligtasan ng ating manggagawa. Inyong ila­gay sa inyong isipan na ang batayan sa kasiyahan ng mga manggagawa ay ang mahahalagang sangkap upang tiyakin na magiging matatag at pa­tuloy ang pag-unlad ng mga negosyo at industriya,” wika pa ni Bello.