Mistulang inutil diumano ang Philippine Gaming Corporation (Pagcor) sa pag-regulate ng offshore gaming operators kaya’t dumami na ang mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa bansa, ayon kay Senador Joel Villanueva.
“Klaro po na responsibilidad ng Pagcor ang pagsiguro na susunod ang lahat ng kanilang mga ginagawaran ng prangkisa o lisensya na magpatakbo ng pasugal ay tatalima sa mga nangingibabaw na batas ng ating bayan,” pahayag ni Villanueva sa kanyang text message sa Abante kahapon.
Bukod diyan, tungkulin din umano ng Pagcor na ipabatid sa Bureau of Immigration (BI), Department of Labor and Employment (DOLE), Bureau of Internal Revenue (BIR) at iba pang ahensiya ng pamahalaan presensiya ng POGO na iligal na nag-o-operate sa bansa subalit papetik-petiks lang aniya ito.
“Trabaho rin po ng Pagcor na ipagbigay alam sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan ang presensya ng mga pasugalan lalo na ng POGO na karamihan ngayon ay sangkot sa iba’t ibang iligal na aktibidad,” sabi ni Villanueva.
“Hindi po puwede na petiks-petiks lang ang ahensya na may atas na maging chief regulator ng gaming industry, sambit pa ng senador.
Nauna nang sinisi ni Villanueva ang BI dahil sa patuloy na pagdasa naman ng mga illegal Chinese worker sa bansa.
Aniya, pinaghihimasukan ng BI sa pag-iisyu ng Special Work Permit (SWP) para sa mga dayuhang manggagawa samantalang ang DOLE ang may kapangyarihang mag-isyu nito.
Lumalabas umano na mula Enero hanggang Nobyembre 2018 ay nakapag-isyu ang BI ng 185,099 SWP. (Dindo Matining)