Naglabas ng abiso ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kaligtasan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nasa mga bansang may naitalang kaso ng no­vel coronavirus (nCoV).

Pinayuhan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III ang mga OFW na sumunod lamang sa mga panuntunan na inilalabas ng World Health Organization (WHO) hinggil sa naturang sakit na galing Wuhan, China.

Para maiwasang mahawak ng nCoV, pinapayuhan ang mga OFW gayundin ang publiko na iwasang makisalamuha sa mga taong mayroong acute respiratory infection; palagiang maghugas ng kamay at gumamit ng alcohol lalo na pagkatapos magkaroon ng direct contact sa isang taong may sakit.

Iwasan din na hawakan ang mga mata, ilong at bibig. Iwasan din na magkaroon ng close contact sa mga buhay o patay na hayop.

Pinayuhan pa ang mga OFW na iwasang pumunta sa matataong gular at ospital, magsuot ng face mask kung kinakailangan at magpatingin sa doktor kapag naramdaman ang mga sintomas ng novel coronavirus katulad ng lagnat, ubo at hirap sa paghinga.

Nakasaad pa sa abiso ng kalihim na ipaalam agad sa doktor kung ang isang OFW ay nagtungo sa lugar na apektado ng novel coronavirus para mabigyan ng kaukulang aksyon tulad ng pansamantalang pagtigil sa trabaho at pananatili sa bahay muna.

Bukod sa China, kabilang sa mga lugar na may naitalang kaso ng nCoV ay ang Cambodia, Hong Kong, Malaysia, Macau, France, Germany, Japan, Singapore, South Korea, Taiwan, Thailand, United Arab Emirates, Uni­ted States at Vietnam. (PNA)