DOLE ‘wag papogi lang: Jollibee, Coke at PLDT sampolan

jollibee-coca-cola-pldt

Dapat patunayan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi lamang ito puro dada at pabida lalo na sa paggiit ng direktiba na gawing regular ang pag-empleyo sa mga manggagawa ng malalaking korporasyon.

Ayon kay Anakpawis Rep. Ariel Casilao, kapag sinabi dapat ay ginagawa at hindi puro hangin lang.

Dapat aniyang magpakita ng pruweba ang DOLE na matutupad at hindi ampaw lamang ang direktiba nito sa Jollibee Foods Corporation na ga­wing regular ang 6,482 manggagawa.

Bagama’t suportado ng kongresista ang order na ito ng DOLE ay hinahamon nito ang pamunuan ng kagawaran na magkaroon ng katuparan ang utos at hindi puro press statement lang.

Dapat aniyang igiit ng DOLE ang awtoridad sa usapin.

Binanggit ng kongresista na nag-isyu rin ang DOLE ng regularization order sa Burger King, Coca- Cola at PLDT.

Umaabot aniya sa 9,379 ang kabuuang bilang ng mga manggagawa kung pagsasama-samahin ang tatlong kompanya at ang PLDT ang may pinakamaraming trabahador sa bilang na 8,000.

Ang utos diumano sa Coca-Cola ay inilabas mahigit isang taon na ang nakakaraan pero hindi sinunod ng kompanya ang DOLE.

“The latest DOLE order is welcome but DOLE leadership must go beyond issuing orders. It must assert its authority. It must enforce its orders. The orders have amounted to nothing because companies, especially the big corporations, are getting away from them without getting a rap on their shoulders,” pahayag ni Casilao.