Dolyar at sakripisyo

Spy on the job by Rey Marfil

Isang video ang kumalat kamakailan sa internet kung saan makikita sa isang programa sa telebisyon ang isang batang lalaki na umaatungal dahil ayaw niyang paalisin ang kaniyang ina na nakatakdang magtrabaho sa Qatar bilang domestic helper.

Nitong nakaraang Martes, ginunita natin ang Labor Day, at isa sa mga mahalagang bahagi ng lakas ng manggagawa natin ay ang tinagurian nating mga “bagong bayani” — ang mga migranteng manggagawa, o overseas Filipino workers.

Sa unang tingin, cute panoorin ang pag-atu­ngal ng bata dahil makikita mo ang kainosentehan sa mukha niya. Maging ang mga tanong niya sa kaniyang ina, simple pero makahulugan at may kurot sa puso.

Tanong ng bata sa nanay niya, bakit ito aalis? Sabi naman ng nanay, para sa kaniyang (anak) magandang kinabukasan. Tanong uli ng anak, sino ang mag-aalaga sa kaniya kapag umalis na ang ina. Paliwanag naman ni nanay, nandoon naman ang mga kapatid niya (tita ng bata).

Ang sumunod na tanong ng bata ay ang kadalasang mabigat na dinadala ng mga inang OFW, lalo na ang mga nagtatrabahong yaya sa ibang bansa; Sabi ng bata, bakit siya iiwan ng kaniyang ina, at magtatrabaho sa malayong lugar para mag-aalaga naman ng ibang bata?

Sa isa pang programa, napag-alaman na limang taong gulang lang ang bata nang unang umalis ang kaniyang ina para mag-OFW sa Jordan. Pagkaraan ng dalawang taon na kontrata, nakauwi ngayon ang nanay pero muling aalis patu­ngong Qatar. Ngayon eh alam na natin ika nga kung saan nanggagaling ang pinaghuhugutan ng bata — pangungulila sa kaniyang mahal na ina.

Aba’y nawala nga naman nang dalawang taon ang nanay, umuwi marahil ng ilang buwan, at pagkatapos ay aalisin na naman. Kaya naman ganun na lang ang hiling niya sa kaniyang ina na huwag nang umalis lalo pa’t silang mag-ina lang pala ang magkasama dahil single parent si nanay at solong anak lang siya.

Tiyak na maraming pamilya ng OFW ang naka-relate sa sitwasyon ng mag-ina. Marahil masuwerte pa ang mga magulang na OFW kung nasa sapat na isip at pag-unawa ang kanilang mga anak kapag umalis na sila. Iyon nga lang, may mga pagkakataon din na napapariwara ang mga anak kahit malalaki na kung walang sapat na gabay ng mga taong natokang mag-alaga sa kanila.

Ilang administrasyon na ang nagdaan at nagbigay ng kanilang “wish” na sana ay dumating ang araw na ang pangingibang-bansa ng kababayan natin ay hindi na dala ng matin­ding pangangailangan. Ibig sabihin, kung may trabaho naman sa Pilipinas, bakit pa kakailanganing umalis.

Iyon nga lang, batay na rin sa mismong datos ng Philippine Statistics Authority, patuloy ang pagdami ng mga Pinoy na umaalis ng Pilipinas para magtrabaho sa ibang bansa. Mula raw 2.24 milyon noong 2016, naging 2.34 mil­yon ito noong 2017. At ang pinakapaborito nilang destinasyon para magtrabaho, sa Gitnang Silangan, partikular sa Saudi Arabia, United Arab Emirates, Kuwait at Qatar.

At ang kapalit nito, mas maraming padalang dollar remittance na bumubuhay sa ekonomiya ng bansa. Mula sa P145.03 bilyon noong 2016, umangat ito sa P146.84 bilyon. Batay sa tala ng World Bank, pangatlo ang Pilipinas ($33 bilyon) sa mga bansa sa buong mundo na pinagmumulan ng remittances, sunod sa nangu­ngunang India ($69B) at China ($64B).

Habang kailangan ng bansa natin ang mga remittance ng mga OFW para umandar ang ekonomiya, tiyak na marami pang bata ang iiyak at magtatanong kung bakit kailangan silang iwan ng kanilang mga magulang at sino ang mag-aalaga sa kanila. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”