Dominguez, mga economic manager umaming sumablay

Inamin ng mga mi­yembro ng economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte sumablay sila sa kanilang economic growth target sa taong ito sa kabila ng implementasyon ng TRAIN Law.

Sa joint statement ng Development Budget and Coordinating Committee (DBCC), sinabi ng mga economic manager na ibinaba nila growth target sa taong ito sa 6.5% hanggang 6.9% mula sa orihinal na target na 7 to 8%.

At habang babagal na ang paglago ng ekonomiya, inamin na rin ng economic team ng admi­nistrayong Duterte na mas mataas ang inflation rate kaysa sa una nilang inaa­sahan kaya’t itinaas na ang inflation forecast para sa taong ito sa 4.8 to 5.2%.

Ang inflation rate, o ang bilis ng pagmahal ng presyo ng mga bilihin, ay sumirit na sa pinakamataas nito sa loob ng siyam na taon at buwan buwan itong pataas nang pataas simula pa noong Enero nang ipinatupad ng pamahalaan ang TRAIN Law.

Ang DBCC ay binubuo ng Budget Secretary Benjamin Diokno bilang chairman, Natio­nal Economic and Deve­lopment Authority Director General Ernesto Pernia bilang co-chairman, Exe­cutive Secretary Salvador Medialdia, Finance Secretary Carlos Domi­nguez II, at Bangko Sentral Governor Nestor Espenilla bilang mga mi­yembro ng committee.

Tanggap na rin ng DBCC na sadya nang mahina ang piso kontra sa dolyar at ibinaba na nito ang exchange rate assumption sa P52.50 hanggang P53 ngayong taon.

Habang mas mahina na ang tingin ng DBCC sa piso, sinabi ng DBCC na mas mataas naman ang interest rates na nakikita nito kaya’t inakyat na nito ang interest rate assumption nito sa 4.4% hanggang 4.6% ngayong taon mula sa unang inakala nitong 3 to 4.5%.

Sa kabila ng tumataas na presyo ng mga bilihin at bumabagal na paglago ng ekonomiya, iginiit pa ng DBCC na ‘very satisfactory’ ang implementasyon ng TRAIN Law kahit pa ba­lak ng pamahalaang isuspende ang second phase ng implementasyon nito sa Excise Tax on fuels.