Don Benito’s ninakawan: Manager, 3 pedicab driver dinampot

Kulungan ang bagsak ng isang area head manager ng Don Benito’s Cassava shop matapos mabuking na nakipagsabwatan ito sa tatlong pedicab driver para pagnakawan ang nasabing establisimiyento sa Marikina City kamakalawa ng madaling-araw.

Batay sa nakalap na report mula sa Eastern Police District, kinilala ang area head manager na si Ruben Asdolo y Almohuela, 26-anyos, at ang tatlong pedicab driver na sina George Agbalog y Cruz, 28; Jay Carag Jr. y Fernandez, 24; at Romeo Panotes y Sulit, 28, pawang resident eng Balubad Settlement, Brgy. Nangka, Marikina.

Ayon kay Marikina acting police chief Col. Restituto Arcangel, nahaharap sa kasong qualified theft ang apat na suspek na sangkot sa pagnanakaw ng kita ng Don Benito’s Cassava shop na matatagpuan sa Lot 2A, J.P. Rizal St., Brgy. Concepcion Uno sa nasabing lungsod.

Nalaman sa imbestigasyon na nag-report umano si Asdolo sa Marikina Police Station 6 kaugnay sa nawawalang pera sa vault ng naturang shop na nagkakahalaga ng P200,000.

Inaresto ang mga suspek matapos mag-imbestiga sa CCTV footage ang mga pulis kung saan naghinala sila na inside job ang nangyari at kasabwat ni Asdolo ang tatlong pedicab driver. (Vick Aquino)