Dalawang mahahalagang bagay ang tinututukan ngayon ng pamahalaan sa pangunguna ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa karahasang nangyayari sa Marawi City na hatid ng pagsalakay ng teroristang grupong Maute.

Una ay ang paglipol sa natitirang puwersa ng terorista sa Marawi City at pangalawa ay ang pagtutok sa rehabilitasyon o pagbangon ng Marawi City.

Kaya naman nakakalungkot ang isyung lumulutang na pagkuwestyon ng ilang evacuees sa tinatanggap nilang donasyon.

Sa punto ng ilang evacuees na nasa Iligan City, tila baga nagseselos sila dahil mas malaki ang tulong na tinatanggap ng mga miyembro ng AFP na casualty sa nangyayaring kaguluhan sa Marawi City.

Alinsunod sa ulat, nakakolekta na ang AFP Marawi casualties ng P108,027,753.23 na donasyon kumpara sa P834,015.21 para sa Marawi IDPs o internally displaced persons.

Ang isyung ito sa donasyon ay nakakadagdag isipin na naman sa panig ng gobyerno na dapat ay nakatutok sa mga mahahalagang bagay katulad ang pakikipag­laban sa terorista at pagsasaayos ng Marawi City.

Kaya sana huwag na itong palakihin. Dapat ay unawain ng mga evacuees ang sitwasyon at higit sa lahat ay pakinggan ang paliwanag ng mga kinatawan ng gobyerno.

Hindi magandang pagtalunan ang halaga ng tinatanggap na donasyon lalo na’t malinaw namang magkaiba ng account ang AFP casualties at Marawi IDPs.

Ang mahalaga sa pangyayaring ito sa Marawi ay hindi kayo pinapabayaan ng gobyerno at ng pribadong sektor, kapwa kayo tumatanggap ng ayuda.

Ang dapat gawin sa halip na puntiryahin ang pagkakaiba ng ­tinatanggap na donasyon ay makipagtulungan sa pamahalaan kung ano ang nararapat gawin o maging kontribusyon para sa mabilis na pagbangon ng Marawi City.