Donasyon kailangan din ng kasulatan

Good morning Atty.,

Gusto ko lang po sanang humingi ng tulong sa inyo tungkol sa bahay na ibinigay ng magulang ng asawa ko upang tirahan namin. Pero walang kasulatan.

Bago po kasi kami nagpakasal, ipinangako po ang bahay na iyon ng nanay niya sa nanay ko kasama na ang pagpapaaral sa akin dahil 19 years old pa lang po ako at maagang nabuntis ng anak niya. Sa makatuwid, napagkasunduan na lamang pong ipakasal kami.

Matapos po ang kasal ay du’n na po kami tumira pero marami pong problema ang bahay tulad ng walang maayos na ventilation at maingay ang paligid na hindi ko po natagalan maging ng baby ko pagkapanganak ko. Dati po iyong pinapaupahan ng nanay niya bago namin tirahan.

Ngayon, minabuti naming mag-asawa na umupa sa ibang lugar na kung saan ay maayos at komportableng tirahan at binabalak na paupahan na lang ‘yung bahay na nauna naming tinirahan. Nalaman po iyon ng magulang ng asawa ko at pinipilit niyang kunin ang bahay sa amin. Wala raw kaming karapatang paupahan ‘yun dahil sa kaniya daw iyon.

May gamit pa po kami sa bahay na iyon at kasalukuyang naka-lock. Banta niyang bubuksan po iyon at ide-deliver nalang daw ang gamit namin sa tinitirahan namin ngayon. Tanong ko lang po sana kung meron po ba akong karapatan sa bahay na ipinangako sakin bago pa lamang ikasal?

Maging ang asawa ko ay kung may karapatan ba sa bahay na iyon? May karapatan ba kaming mag-asawa na ipaglaban ang pagpapaupa sa bahay?

Sana po matulungan nyo po kami.

Eileen,

***

Dear Mrs. Eileen,

Ang isang kasunduan ng pagbibigay o donation ay hindi nagkakaroon ng bisa kapag hindi ito nakasulat at pati ang pagtanggap ng donation ay dapat na may kasulatan din.

Sa sitwasyon ninyo ay malinaw naman na kinikilala mo naman na ang biyenan mo ang talagang may-ari nito sa simula’t sapul pa dahil pinapaupahan niya ang bahay bago pa kayo kasal. Dahil dito ay nananatiling siya ang may-ari ng bahay ay may karapatan siyang bawiin ito sa inyong mag-asawa.

ahit na ang asawa mo ay wala pang karapatan sa ari-arian ng kaniyang mga magulang habang buhay pa ang mga ito. Ang karapatang magmana ng anak ay uusbong lamang kapag wala na ang mga magulang niya.

Bago naman nila kayo mapaalis ay kakailanganin niyang dumaan sa proseso ng ejectment kung saan dapat na siya ay magpadala ng isang demand letter at saka magsampa ng kalong ejectment kung hindi kayo boluntaryong aalis at tatanggalin ang gamit sa loob ng bahay. Gusto pa ba ninyong humatong ang relasyon ninyo sa ganito?

Ang maganda ninyong gawin ay kausapin ang biyenan mo at ipaliwanag kung bakut kayo lumipat ng tirahan. Malamang ay sumama lamang ang loob niya dahil sa hindi niyo pagtanggap ng kaniyang alok at lumalabas pa na pagkakakitaan ninyo ang bahay na pinagkatiwala niyang gamitin at tirhan ninyo.

Kung maipapaliwanag na mas mainam na lumipat para sa interes ng anak ninyo na dapat na manatili sa isang lugar na tahimik at tulong na lamang nila bilang lola na hayan doon sa upa ng bahay niya kunin ninyo ang pambayad sa uupahang bahay. Sabihin na mahihirapan kayo kung walang pagkukunan ng pagkakakitaan sa sa bayad sa mga gastusin.

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com