Maglalagay ng donation board si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso para sa lahat nang gustong magbigay ng donasyon sa lokal na pamahalaan ng Maynila at gustong makibahagi sa isinasagawang reporma sa Maynila.
Ayon kay Moreno, ang naturang board ang maglilista ng lahat ng donasyon na pumasok sa lokal na pamahalaan mula nang siya ay manungkulan noong Hunyo 30.
Ito ay hindi lamang para mabigyan niya ng pagkilala kundi para sa transparency at magsilbing inspirasyon sa iba para tularan. ‘Kasi ‘yung mga iba, baka gustong magbigay ng P10. We welcome every donation and contribution. Hindi ka naman makakabuo ng isang milyon kung kulang ng piso,” ayon kay Moreno.
Gaano man kalaki o anumang anyo ng donasyon ay pinapahalagahan at tinatanggap.
Nalaman na malaking bilang ng mga Pilipino sa abroad ang nagpahayag ng kagustuhan na makapagbigay ng kanilang suportang materyal at pinansiyal sa siyudad nitong mga nakalipas na buwan.
“Natutuwa po tayo na ang mga tao ay naniniwala at nakikilahok na sa gobyerno at may pagnanais na tumulong sa maliit nilang kaparaanan,” ayon kay Moreno.
Nabatid na umaabot na sa P13 milyon cash donations mula sa mga pribadong citizen ang naibigay sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Meron pa umanong coins, peso, dollar at personal check. (Juliet de Loza-Cudia)