Don’t Panic

Julius Segovia

julius-segoviaHindi gaya ng bagyo, hindi kayang matantiya ng mga awtoridad kung kailan tayo eksakto tatamaan ng malakas na lindol.

Gaya nitong Lunes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol ang Porac, Pampanga na naramdaman din sa iba pang probinsya sa Luzon maging sa Metro Manila.

Maging sa amin sa Cavite, ramdam ang lakas ng pagyanig. Nakahiga ako sa sofa nang lumindol kaya mas dama ko ang pag-uga. Agad kaming nagtago ng mga magulang ko sa ilalim ng dining table. Buti na lang, ligtas kami.

Pero ang nakalulungkot, may mga taong nasawi sa pagguho ng ilang establisyimento sa Pampanga.

Dahil hindi natatantiya ang pagtama ng lindol, wala tayong ibang magagawa sa ngayon kundi ang ma­ging handa at alerto sa anumang posibilidad lalo na sa banta ng ‘The Big One’.

Sakaling lumindol uli, huwag mag-pa­nic. Manatiling kalmado. Siyempre, sama­han din ito nang taimtim na dasal.

Mag-duck, cover and hold. Maghanap ng matibay na mesa o desk table na puwedeng pagtaguan.

Lumayo sa mga glass furniture na posibleng mabasag sa gitna ng pagyanig.
Iwasan din ang mga cabinet at ceiling fixtures na posibleng bumagsak habang lumilindol.

Huwag kalimutang mag-prepare ng go bag na naglalaman ng first aid supplies, pagkain, tubig, flashlight, transistor, battery at ilang piraso ng damit.
Tiyakin ding fully charged ang mga cellphone at power banks.

Magkaroon din ng malinaw na usapan sa pamilya kung saan kayo magtatagpo sakaling magkahiwalay sa gitna ng paglikas.

Ang sa akin lang, importanteng may alam, laging handa, at naka-alerto para hindi tayo nabubulaga ng sakuna.