Simula na ang bakbakan ng mga magagaling na collegiate indoor volleyball player sa pagpalo ng UAAP Season 81 women’s volleyball tournament Sabado, Pebrero 16.
Paluan agad ang last season runner-up Far Eastern Lady Tamaraws at fourth placer National U Lady Bulldogs 2pm sa The Arena sa San Juan City.
Masusubukan ang angas ng tropa mula Morayta na pangungunahan nina Jerilli Malabanan, Ced Domingo at Heather Guino-o habang halos bata ang papalo sa Lady Bulldogs na pangungunahan ng bago nitong kapitanang si Roselyn Doria.
Sa isa pang laro, susubukan naman ng last placer na UE Lady Warriors na padapain ang sixth placer na UP Lady Maroons sa unang paghaharap nito ngayong season sa 4pm.
Ibabandera ng Lady Warriors sina May-ann Mendrez, Kath Arado at Judith Abil na susubukang makabawi at mapaganda ang takbo nila ngayong season habang balik-UP naman si Tots Carlos matapos ang kanyang injury at makakatuwang niya sina Isa Molde, Ayel Estranero, at Marist Layug.
Tuloy ang bakbakan sa Linggo na gaganapin naman sa Mall of Asia Arena sa Pasay, 2pm, paunang handog sa manonood ang laban ng fifth placer na Adamson Lady Falcons at seventh placer na Sto. Tomas Golden Tigresses.