DOT: Turismo sa Tagaygay,Taal Volcano itigil muna

Ni Riley Cea

Unahin muna ang kaligtasan ng mga manggagawa at turista, kaysa ­pagkakitaan ang Tagaytay o makita ang pag-aalboroto ng Bulkang Taal.

Ito ang apela ng Department of ­Tourism (DOT) gayong nananatili ang anunsiyo ng Philippine Institute of Volcano­logy and Seismology (­Phivolcs) ngayong Miyerkoles ng Alert Level 4 status ng Taal Volcano at ­inaasahan ang mapaminsalang pagsa­bog sa loob lang ng ilang oras o araw.

“The Department of Tourism strongly advises all tourism enterprises operating in all affected ­areas of the Taal Volcano disaster to immediately cease operations in light of DOST-Phivolcs’ Alert Level 4 warning,” pahayag ng ahensiya sa Facebook kahapon, Enero 15, 2020.

“The continued health, safety and welfare of our workers and tourists ­remain a top priority at this time as ­authorities have not downgraded the ­advisory on an imminent eruption,” sabi pa nito. “The Department calls for full cooperation among all tourism stakeholders to help avoid serious consequences that may result from irresponsible behavior during this natural disaster.”

Samantala, pinayuhan naman ng ­Philippine Hotel Owners ­Association (PHOA) na huwag magpunta ang mga ­turista sa Tagaytay at iba pang ­kalapit-bayan upang masaksihan ang pagsabog ng Taal.

Depende na rin umano sa pamunuan ng mga hotel kung magsasara muna sila o magbabalik sa operasyon sa kasagsagan ng pag-aalburoto ng bulkan.

“We have advised our hotels to use their best judgement and discretion if it is necessary to remain operational,” ani PHOA President Arthur Lopez sa isang pahayag.

“The indivi­dual hotel’s ma­nagement will do what is ne­cessary to ensure the safety of all concerned,” wika pa nito.

May ilang hotel umanong nag-alok ng pansamantalang matutuluyan para sa mga lumikas na residente at mga ­relief agency.

Batay sa huling tala ng National ­Disaster Risk Reduction and ­Management Council (NDRRMC) kahapon, Enero 14, nasa 30,423 katao o 6,891 pamilya mula sa Cavite at Batangas ang ­apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng naturang bulkan.

Nananatili naman sa 18,187 ­indibidwal o 4175 pamilya ang ­kasalukuyang nasa 118 evacuation ­center, karamihan ay mga residente ng Talisay at San Nicolas, Batangas.