Dota, COC ipagbabawal ng senatoriable

Kapag nanalo sa halalan sa 2019, ipinangako ng isang kandidato sa pagka-senador na ipagbabawal niya ang paglalaro ng sikat ng mobile game na Defense of the Ancients (Dota) at Clash of Clans (COC).

Sa kanyang paghahain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections kahapon, binigyang-diin ni Bethsaida Lopez, isang street educator, ang masamang epekto ng paglalaro ng naturang video games sa mga kabataan.

“Natututo pang magmura sila… nakikita ko kasi iyong ang popular games na kinalolokohan ng mga kabataan,” pahayag ni Lopez sa mga reporter.

Nawawalan lang umano ng saysay ang pahihirap ng mga magulang at estudyante dahil nalululong ang mga ito sa nasabing bisyo na nagreresulta sa paghinto ng kanilang pag-aaral.

“Kawawa naman ang mga magulang natin kapag sila ay nagpipilit na magsipag tapos ang anak… makikita na lang natin ‘di pala nakagraduate ang anak,” sambit ni Lopez.

“May nakapagsabi sa akin, kukuhang arkitekto ang isang anak niya, graduating na. Tapos nagpunta sa graduation. Hindi sinasabi ng anak na ‘di pala siya ga-graduate,” kuwento pa nito.