DoTr kay Zarate: Kalusugan ang isyu ‘di transportasyon

Sinalag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang paratang ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na ‘papatayin’ ang kabuhayan ng mga tsuper ng jeep dahil sa pag-etsapuwera sa mga ito sa pagsasailalim ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) ngayong araw.

Paglilinaw ng DoTr na ang Modified Enhanced Community (MECQ) sa General Community (GCQ), ay isang isyung pangkalusugan, at hindi pang-transportasyon.

“Buhay ang panganib. At sa panahon ng pandemya, mas mahalaga ang kaligtasan at kalusugan kaysa ginhawa at magaan na pagbiyahe,” ayon pasa DoTr.

Nauna nang ipinaliwanag ni Transportation Secretary Arthur Tugade na mandato ng DOTr ay siguruhin ang transportasyon para mas magaan ang pagbyahe ng publiko, responsibilidad din namin sa sambayanan na tumulong sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19.

Binigyang-diin pa ng kagawaran na may potensyal ang transportasyon na maging bahagi ng transmisyon ng sakit.

Taliwas sa pananaw ni Cong. Zarate, ang DOTr sa pamumuno ni Secretary Tugade, ay sinusuportahan at naiintindihan ang kalagayan ng mga tsuper ng jeepney, lalo na ang mga hindi makakabiyahe sa Lunes.

Kaya nakikipag-ugnayan ang Land Transportation and Regulatory Franchising Board (LTRFB) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Landbank of the Philippines (LBP) para mapabilis ang pagbigay ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga drayber ng PUV.

Gayundin, inihain ng DOTr ang ilang inisyatibo para sa sektor ng transportasyon na isinama sa stimulus package proposal ng pamahalaan na isinumite sa Kongreso at Department of Budget and Management (DBM). Isang panukala dito ay ang 30 percent fuel subsidy para tulungan ang mga operator at drayber na kumita kapag nagbalik-biyahe kahit na 50 percent lamang ang kanilang pasahero sa bawat byahe. Kabilang din sa stimulus package na ipinadala sa Kongreso ang pagpapautang na ipagpapaliban ang interes at walang dagdag-interes para sa mga utang na hindi muna babayaran.

Nakipag-ugnayan din ang DOTr sa iba’t ibang bangko para bigyan ng grace period ang pagbabayad ng kanilang utang at pagbibigay ng pinansyal na suporta para sa rehabilitasyon ng kanilang negosyo.

Matutulungan ng mga inisyatibong ito ang mga operator at drayber na bawasan ang gastos sa kanilang operasyon para mapigilan ang pagkalugi.

Inutos na din ng DOTr ang ekstensyon ng application para sa renewal ng PUV franchises, licenses, at PUV registration nang sixty (60) days mula sa pagtanggal ng ECQ/MECQ na walang multa para makakuha kaagad ng requirements na ito ang mga drayber at operator.
Sa usapin ng kailangang pagbabago sa pampublikong transportasyon, sang-ayon kami sa iginagalang na Kongresman. Ito mismo ang aming ginagawa sa DOTr.

Para sa kapakanan ng publiko, lalo na ang mga mas nangangailangan, patuloy ang DOTr sa transpormasyon ng kabuuang sistema ng pampublikong transportasyon.

Naniniwala kaming ang mga komyuter at pasahero ay hindi dapat malantad sa banta ng panganib ng COVID-19.

Kaya hindi maaaring balikan ang mga dating kinagawian. Kailangang mas mahusay at napapanahon ang ating mga pampublikong transportasyon sa ilalim ng NEW NORMAL.

Nais naming ipahayag na tanging sa panahon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte isinusulong ng DOTr ang mga inisyatibo sa sektor ng transportasyon na pangmatalagan at pangmalawakan ang pakinabang at kabilang dito ay ang mga reporma sa polisiya at mga panuntunan, pagplano ng mga ruta kasabay ng LGU urban planning, rasyonalisasyon ng mga ruta, fleet modernization, industry consolidation, at digitalization ng mga transport transactions.

Saludo kami sa DOTr kay Cong. Zarate sa paglalahad ng mga hinaing ng mga nasa sektor ng jeepney transport, karamihan sa kanila ay mga operator na madalas din ka-dayalogo at aktibong nakikipag-ugnayan sa DOTr para lapatan ng lunas ang mga isyu at makabuo ng mga solusyong “win-win”.

Kongresman, ang karamihan sa mga kasali sa PUV Modernization Program ay mga kooperatiba na binubuo ng mga solong drayber at small-fleet operator na pinagsama ang kanilang mga pag-aari para makinabang ng sabay sa operasyon.

Karamihan sa mga kooperatiba ay positibo ang tugon sa pagsali sa programa – mas malaki ang kita, mas ligtas ang mga byahe, at mas maraming pasahero ang nasisiyahan.

Kaya makakasiguro po kayo sa inyong pahayag na “Dapat nga ay isama na sa sinasabing better normal ang pagkakaroon ng mura, maaasahan at ligtas na mass transportation system,” ay ginagawa na ngayon.

Ang DOTr, sa ilalim ng matibay na pamumuno ni Kalihim Tugade, ay patuloy na isusulong ang transpormasyon sa pampublikong transportasyon na moderno, napapanahon, mas maayos ang pamumuno, at mas makakalikasan. Higit sa lahat, itinataguyod nito ang interes ng lahat ng mga nasa sektor lalo na ang mga komyuter at pasahero.

Bukas po kami sa pagsama ni Cong. Zarate sa aming mga adhikaing mapabuti ang sektor ng transportasyon sa buong bansa, at maliwanagan siya na sa amin sa DOTr ang “Tunay na Serbisyo.”

Nararapat lamang na ibigay ang tunay na serbisyo sa bawat Pilipino.