Iminungkahi ng isang senador sa Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), operators ng bus, jeepney, UV Express, commuters group at ilang concerned stakeholders na magpulong muna ang mga ito sa isang technical working group upang matugunan ang iba’t ibang hinaing ng publiko ukol sa mga naging iregularidad sa Parañaque Integra­ted Terminal Exchange (PITX).

Ito ang iginiit ni Senadora Grace Poe sa DOTr at LTFRB kasunod ng inilatag na panukala ng DOTr at ­LTFRB hinggil sa paggagawad ng prangkisa sa ilang ruta ng bus, UV Express at jeepney.

“Tandaan natin na ang pagbibigay ng karagdagang prangkisa ay nangangahulugang karagdagang sasakyan sa kalsada. Pinakama­inam na unang hakbang pa rin ang pag-uusap,” sabi ni Poe.

Sa pamamaraan na ito, naniniwala si Poe na magiging maayos ang ugnayan ng mga nabanggit na ahensiya at grupo ng pasahero, operators at drayber.

Samantala, iginiit din ni Poe na hindi lamang ang mga isyu sa PITX ang dapat na pinagtutuunan ng pansin ng ahensiya ng gobyerno kundi pati na rin ang problema sa trapik sa Metro Manila at kakulangan sa transport vehicles ng iba’t ibang lugar.

“We should take stock of the fact that the problem we are ­addressing here is not just PITX but Metro Manila’s traffic and transport situation in ­general,” sabi ni Poe.