Hindi palalampasin ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ginagawang kalokohan ng mga abusadong taxi driver na nanlalamang sa publiko, partikular na sa mga foreigner na pasahero.

Nabahala kasi ang dalawang ahensya matapos lumabas at kumalat sa social media sa pamamagitan ng Facebook ang vlog ng isang ‘Bisayang Hilaw’ na kung saan ay gumawa siya ng isang ‘Pinoy social experiment on taxi drivers’ bilang pagpapatunay na mayroong mga taxi dri­ver na mapagsamantala habang mayroon din namang tapat na tsuper.

Base sa kumalat na trending video, naka-11 dishonest taxi dri­ver ang ‘Bisayang Hilaw’ kasama ang dalawang foreign Pinay na kung saan ay sumasakay sila ng taxi at nagpapahatid na agad namang hihirit ang taxi driver ng ‘dagdag na pasahe’ , ‘sira ang metro’, ‘malayo’, ‘traffic kaya dagdag pamasahe’, ‘fixed rate na P500 hanggang P600’ na kung saan ay ayaw nilang gumamit ng metro kaya kung ano-anong dahilan ang sinasabi. (Vick Aquino)