Good news sa mga pasahero! Puwede nang ipasok sa loob ng tren ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang mga tubig, pabango, lotion at iba pang liquid item na nasa 100 milliliters ang laman.
Ayon sa inilabas na advisory ng pamunuan ng Department of Transportation-MRT 3 (DOTr-MRT-3), pahihintulutan na nilang ipasok sa loob ng tren ang mga liquid item na tulad ng bottled water, alcohol(isopropyl alcohol, ethyl alcohol) at hand sanitizer na hanggang 100 ml lang at kung lumagpas sa 100ml ay hindi na ito puwede.
Samantala, maaari namang ipasok sa loob ng tren ang mga baby formula/breast milk sa bote para sa mga pasaherong bibiyahe na may kasamang bata; tubig para sa dalang bata; lahat ng prescription at over-the-counter medication; liquid item tulad ng water, juice, liquid nutrition o gel.
Kabilang na ang mga life-support at life-sustaining liquid para sa bone marrow, blood product, at transplant organ; liquid item para sa medical and cosmetics reasons at frozen liquid para sa disability or medical-related item used by persons with disabilities or medical conditions.
Nabatid na maaari namang mabawi ang mga kinumpiskang liquid item ng mga MRT security personnel kapag may dalang katibayan na sa kanila nga ang iniwang mga gamit.
Ang pagbabawal na magdala ng mga liquid item ay ipinatutupad sa mga tren ng Light Rail Transit (LRT), Philippine National Railways (PNR), at MRT matapos isailalim ng Philippine National Police (PNP) ang Metro Manila sa heightened alert status kasunod ng naganap na pagsabog sa Jolo, Sulu.