Naglabas ng road safety rules ang Department of Transportation (DOTr) sa mga mag-aaral kaugnay nang nakatakda pagbabalik eskwela ng mga ito sa Lunes.

Ang naturang road safety rules ay bahagi ng programang Oplan Biyaheng Ayos: Balik Eskwela 2019 ng DOTr, na pinamumunuan ni Transportation Secretary Arthur Tugade.

Ayon sa DOTr, dapat na maging alerto ang mga estudyante sa pagtawid sa daan, gumamit pedestrian lane o overpass sa pagtawid, tumingin muna sa kaliwa at kanan bago tumawid, gamitin ang sidewalk sa pagĀ­lalakad at alamin ang mga safety at pedestrian signal.

Hindi naman dapat gumamit ng gadgets ang mga estudyante habang tumatawid, hindi dapat na tumakbo sa kalsada, at hindi rin dapat na maglaro malapit sa kalsada o parking areas.

Kaugnay nito, nasa 2,500 traffic personnel ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang naka-full force unang araw ng pasukan para matiyak kaligtasan at kaayusan.

Sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang mga nasabing bilang ng tauhan ay ipakakalat mula Lunes at sa mga susunod na araw kung kailan magbubukas na ang klase para masigurong maayos ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.

Ayon pa kay MMDA Traffic Discipline Office Chief Teroy Taguinod,
pinaalalahanan na ang mga district traffic head na makipag-ugnayan sa mga opisyal ng paaralan, barangay, at mga local traffic official para maibsan ang epekto ng bigat ng daloy ng trapiko sa paligid ng eskwelahan. (Armida Rico/Edwin Balasa)