Humingi ng paumanhin ang Department of Transportation (DOTr) sa isang insidente noong Oktubre 26 sa Metro Rail Transit (MRT) Line 3 North Avenue Station kung saan nagkaroon ng komprontasyon ang dalawang security personnel sa isang pasaherong may “learning disability.”
Ito’y matapos ireklamo ni Shirley Iyulores sa Facebook noong Nobyembre 3 ang umano’y nakahihiyang karanasan ng kanyang anak na isang PWD (person with disability) matapos na hindi ito payagang makapasok at makasakay ng tren dahil sa pagdududa na peke ang bitbit nitong PWD ID.
“To accuse my son of faking an ID and the staff’s failure to recognize his special MRT beep card is preposterous and downright insensitive,” salaysay ni Iyulores sa kanyang Facebook post kung saan naka-tag ang DOTr, MRT 3 at Autism Society of the Philippines.
“We extend our sincerest apologies to the PWD passenger and his family regarding the incident,” saad sa statement ng DOTr-MRT 3.
Kasalukuyan na umanong iniimbestigahan ng pamunuan ang pangyayari at hindi nila umano kukunsintihin ang mga ganitong pangyayari, saad pa sa pahayag ng pamunuan ng tren.
Nagpaliwanag din ang DOTr na photocopy lang ang dalang ID ng binata, samantalang original ang kailangan para mabigyan ng special treatment sa pagsakay sa tren.