Suportado natin ang maigting na kampanya ng gobyerno kontra ilegal na droga dahil talaga namang marami itong sinisirang buhay at kinabukasan.

Kanya nga lamang sa ilang kasong may kaugnayan sa ilegal na droga ay hindi matanggap ng taumbayan ang kinahahantungan ng asunto.

Katulad na lamang ng kaso ng isang opisyal ng pulisya na naaktuhang gumagamit ng ilegal na droga sa mismong himpilan ng ­pulisya na pinayagang makapagpiyansa ng korte.

Wala tayong argumento sa korte na nagpahintulot na makapagpiyansa ang opisyal ng pulisya na positibo sa ilegal na droga dahil ibinaba ang kanyang kaso upang makapaghain ito ng piyansa.

Maaring base sa ipinrisintang ebidensya ay napababa ang kinakaharap nitong kaso. Mula sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ay ibinaba ang kanyang kaso sa possession of drugs and paraphernalia na kapwa bailable.

Ang sa amin sa ganito kainit na kampanya kontra ilegal na ­droga hindi nabibigyang pansin ang teknikal na aspeto ng kaso dahil ­hindi ito kayang unawain ng taumbayan.

Ang sa amin sapat nang ebidensya ang pagkakaakto sa isang indibidwal para papanagutin siya sa kanyang pagkakasala sa batas.

Isa lamang ang kasong ito ng opisyal na pulis na naaktuhan sa paggamit ng ilegal na droga ang natutukan ng taumbayan ­kaya napakahirap tanggapin na naging maluwag sa kanya ang korte.

Gayunman ay naniniwala ­kaming dumepende ang korte sa kung ano ang kasong isinampa sa pulis pero hindi ng mga umaresto.

Kanya nga lamang hindi mawawala ang katanungang kung wala bang impluwensiya o pagkiling na nangyari sa pagsasampa ng kaso kaya naging madali ­rito na makahirit ng pagkakataong makapagpiyansa para sa pansa­mantalang paglaya?

Ang kasong ito kasi ng opisyal ay halos kapareho ng inarestong aktor na sinasabing nahulihan ng P15,000 halaga ng ilegal na droga o marijuana.

Pero ang aktor hanggang ngayon ay nakapiit at hindi nabigyan ng pagkakataong makapagpiyansa gayong hindi naman ito nahuli sa aktong gumagamit ng ilegal na droga katulad ng opisyal ng pulisya.

May nakuha umanong ilegal na droga sa pangangalaga ng ­aktor pero bakit ang pulis na nahuling bumabatak ay gan’un kadaling napahintulutang makapagpiyansa?

Hindi ba’t isa itong malinaw na pagkakaroon ng double ­standard sa giyera kontra ilegal na droga?