Double standard nga ba ang giyera kontra iligal na droga ni PDu30?

for-the-record-jen-box jeany lacorte

Mistulang napuno na si Senador Panfilo Lacson sa istilo ng giyera kontra iligal na droga na ipinatutupad ng gobyernong Duterte.

Malaman ang tinuran ni Sen. Lacson sa kanyang post sa Twitter ay, “I thought it was an all-out drug war I was suppor­ting. Talk about double-standard. Talk about double-speak.

Change isn’t coming after all.”

Sa lahat ng magbibigay ng opinyon sa giyera kontra iligal na droga ng gobyernong Duterte, tanging si Sen. Lacson lamang ang masasabi kong walang bahid ng pulitika, kahit isang pulitiko ang nagsasalita.

Dahil galing sa hanay ng Philippine National Police (PNP), alam ng Senador kung ano ang tama at kung ano ang sumusobra na natitiyak kong pinag-ugatan ng kanyang Twitter post.

Kaya hindi na tayo magtataka sa mga batikos na inaabot ng pamahalaang Duterte sa kanilang kampanya kontra iligal na droga.

Isang matibay na pruweba ng double standard na ipinaiiral sa giyera kontra iligal na droga ng pamahalaang Duterte ay ang biglang paglamlam ng kanilang laban sa mga kilalang perso­nalidad gaya ng mga nasa showbiz industry at ng mayayamang angkan.

Ano na ang nangyari sa dating ipinangangalandakang dami ng sangkot daw sa iligal na droga sa showbiz industry at ng kung sinu-sinong angkan ng mga pulitiko at kila­lang personalidad sa ating lipunan?

Iyon na ba iyong sinasabing listahang isusumite ng Pangulo sa National Security Council?

Bakit basta na lamang isusumite nang hindi isinasapubliko? Hindi ba ito unfair sa mga naunang inanunsyong listahan?

Ang mga naunang kinaladkad ng Pangulo sa iligal na droga ay nalantad sa publiko ang kahihiyan.

Sa ganitong istilo pa lamang ay malinaw na ngang double standard ang ipinaiiral. Bukod pa sa mga pulis na talagang todo ang proteksyon kahit sablay na.

Sa paglutang ng misis ng inambus na si Chief Inspector Jesus Son, na dating opisyal ng intelligence ng anti-drugs group sa Leyte na nagdikdik sa ni-reinstate na si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 8 Chief Supt. Marvin Marcos, na itinuturong nag-utos umano kay Son na ipatumba si Albuera Mayor Rolando Espinosa Sr., ano naman kaya ang maging posisyon dito ng Pangulo at ni PNP Chief Director Gen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa?

Iyan ang ating aaba­ngan kasunod ng gaga­wing paglutang ngayong araw sa Senate inquiry ni Mylene Son, misis ng inambus na si Chief Inspector Son.