Ang eskandalong bumabalot ngayon sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa nakapuslit na P6.4 bilyong halaga ng shabu ay malinaw ng umiiral na double standard sa giyera kontra ilegal na droga ng gobyerno.

Ang sa amin, kung sinsero talaga ang pamahalaang Duterte sa paglipol sa ilegal na droga kagaya ng walang puknat na operasyong ikinakasa sa iba’t ibang komunidad na nagreresulta ng pagkamatay ng maraming sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga dapat ay ganitong sinseridad din ang ipamalas ng pamahalaan sa mga ahensya ng gobyernong nalulusutan ng ilegal na droga.

Katulad ng pangyayaring ito sa BOC, hindi dapat palagpasin ang pagkakalusot sa BOC ng bilyong halaga ng ilegal na droga.

Hindi kami sang-ayon sa pahayag ng ilang opisyal ng gobyerno na dapat ay magsilbing leksyon sa BOC ang pangyayari at maging dahilan upang lalo nilang pag-ibayuhin ang kanilang pagbabantay sa mga dumadaang kargamento sa kanilang tanggapan.

Hindi tamang palusutin na lamang basta-basta ang mga nagpabayang tauhan at opisyal ng BOC.

Katulad nang pagsibak sa ilang nasangkot sa katiwalian na matataas na opisyal ng gobyerno, kahalintulad na parusa rin dapat ang ipataw sa mga taga-Customs na nagpabaya sa kanilang trabaho kaya nakalusot ang bilyong halaga ng shabu na mabuti na lamang ay nahabol dahil kung hindi ay maraming buhay na naman ang masisira.

Naniniwala rin kaming maaaring matagal nang nangyayari ang kapalpakang ito sa BOC pero ngayon lamang sumabog at magpasalamat na rin tayo dahil nalantad na ito kung hindi ay patuloy na mamamayagpag ang mga tiwaling tauhan ng gobyerno na maaring kasapakat ng sindikato ng ilegal na droga.

3 Responses

  1. kung hindi pa nagbigay ng tip yun kakompetensya na drug lord sa china eh hndi malalaman na my 6.5B worth na drugs pala na nakalusot. aba eh, fiesta ang mga drug lords at pusher nun. isa pa eh legal na nakakapasok sa bansa yun mga item…change scamming na tlaga