Double standard

Inaakusang may nangyayaring double standard sa anti-drug campaign ng administrasyong Duterte sa pangungun­a ng Philippine National Police (PNP).

Ito ay dahil sa nangyayaring pagpatay sa mga small-time na mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Base sa puna ng mga kritiko, ang maliliit na drug users at pushers ay mabilis na pinapatay, habang ang mga mayor na aminadong nagtulak ng droga ay pinatutuloy pa sa White House ng PNP katulad ni Albuera Mayor Ronaldo Espinosa.

Ang batikos na ito ng mga kritiko ay agad na dinepensahan ni PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa at sinabing ang mga local chief executives na nakakaladkad sa illegal drugs ay lumalapit sa kanilang tanggapan upang tumulong kagaya ng pagbibigay ng dagdag na impormasyon para matukoy at matunton ang iba pang sangkot sa operasyon ng illegal drugs kaya pinakikitunguhan nila ito nang maayos.

Kung pagbabatayan ang pulso ng ating mga kababayan­ ganito talaga ang nangingibabaw na sentimiyento kaya sana ay ipakita at patunayan ng PNP na patas ang lahat at walang pinapaboran maliit man o malaking personalidad na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Nakakabahala kasi na sa kasagsagan ng pagtimbuwang ng maliliit na mga sangkot sa iligal na droga na wala pa namang solidong ebidensiya na nag-uugnay sa kanila sa sindikato ay tila isa-isang paglutang lamang ng mga narco-politicians at nililinis ang kanilang mga pangalan.

Sa ganang amin kung lumutang at umaming may kaugnayan­ sa iligal na droga ay ikasa na agad ang kaso laban sa mga ito at hindi iyong parang walang nangyaring pinauuwi na lamang sila ng kanilang mga bahay na malayung-malayo sa ipinaiiral na kalakaran sa mga ordinaryong mamamayan na umaaming sangkot sa iligal na droga sa kani-kanilang mga komunidad.