Makalipas ang ilang taon, hinahanap-hanap pa rin ni ‘Kuya’ Marcus Douthit ang Pilipinas basketball.

At ngayon, nais niyang makabalik sa PBA, hindi man bilang manlalaro kundi makasilat ng posisyon sa coaching staff ng kahit anong koponan.

Sa tweet ni Douthit, na unang na­ging naturalized import ng Gilas program, nagtatanong-tanong ito kung papaano maging parte ng coaching staff ng PBA team.

“What does it take to be in the coaching staff of a PBA team please someone let me know!!” ayon sa tweet niya.

Huling nasilayan si Douthit sa Manila sa nakaraang taon para sa 3×3 event ng Chooks to Go.

Naging household name din si Douthit para sa Gilas Pilipinas, ilang medalya ang binigay sa bansa, ang pinakatanyag ang naging parte ng silver medal team sa 2013 Fiba Asia Championship kung saan tinalo nila ang South Korea. (Raymark Patriarca)