Dozier mambabarako sa shaded area

PBA BANTAY IMPORT

Ibabalik ng Phoenix Pulse Fuel Masters si Rob Dozier sa 2019 PBA Commissioner’s Cup.

Naging Best Import si Dozier, 33, nang ihatid ang Alaska sa kampeonato ng midseason conference noong 2013. Nambarako si 6-foot-9 Dozier sa Finals at winalis ng Aces ang Ginebra sa tatlong laro.

Sa Games 1 at 2 ng best-of-five series, nagbaba si Dozier ng combined 42 rebounds bago nagsalansan ng 27 points sa clincher.

Sakto ang height ni Dozier sa ceiling na 6-10 sa torneo. Second week ng Mayo ang iskedyul ng dating sa bansa ni Dozier, huling naglaro sa San-En NeoPhoenix sa Japanese B League noong 2018.

Natapos ang kampanya ng Fuel Masters sa Philippine Cup noong Huwebes nang yumuko sa San Miguel Beer sa limang laro.

Sa unang pagkakataon sapul nang mag-PBA noong 2016, ngayon lang nakasampa sa final four ang Phoenix. No. 1 pa sila pagkatapos ng 11-game elimination round.

Sa layo ng narating, mataas ang inaasahan sa Fuel Masters.

“Kailangan next conference ganito pa rin ‘yun goal namin,” pahayag ni coach Louie Alas pagkatapos ng 105-94 Game 5 loss sa Cuneta Astrodome. “Kasi ‘pag nag-set ka ng goal, dapat hindi bumababa. At least mapantayan o ma-surpass mo.”

Dinomina nina June Mar Fajardo, Christian Standhardinger at Kelly Nabong ang Phoenix sa paint sa all-Filipino semis, umaasa si Alas na mapupunan ang kakula­ngan ng team kay Dozier. (Vladi Eduarte)