DPWH, DOTr itinuro sa pagwaldas ng Road Board fund

Walang kinalaman ang Road Board sa paggalaw ng pondo nito mula sa mga motorista dahil ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) ang siyang nagdidikta nito kung saan ito gagamitin, ayon kay House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez.

Sinabi ni Suarez, dating vice chair ng Road Board noong 2001, hindi tungkulin ng ahensiya na tumukoy ng mga proyekto na popondohan dahil ang DPWH at DOTr ang siyang gumagawa ng trabahong ito.

“Road Board has nothing to do with it. Nagdi-disburse lang ng funds ang Road Board ‘yun lang ang kanilang trabaho. They cannot identify (projects). DOTr, DPWH (ang nag-i-identify ng mga project). Hindi ko makita kung paano napasali ang Road Board at saka itong MVUC (Motor Vehicle User’s Charge) dito sa problema natin na sinasabi naming controversy insertion ng DBM dito sa 2019 (budget). Hindi ko makita ‘yung koneksyon doon sa da­lawa,” ayon pa sa mambabatas.

Ginawa ng kongresista ang paliwanag matapos isiwalat ni dating House Speaker at Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na kaya nagbabanatan sina Budget Secretary Benjamin Diokno at Majority Leader Rolando Andaya hinggil sa P75 bilyong insertion umano ng kalihim sa 2019 proposed budget ay dahil sa gusto ng mga kaalyado ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo na makuha ang P40 bilyong pondo ng Road Board.

Binigyang-diin naman ni ­Suarez na malabong makisawsaw ang Kongreso sa korapsyon sa Road Board.

“If there is allegation of corruption in the Road Board, look at the composition of the Road Board, one from the private sector ‘yung nagre-represent ng motorist association, one parang administrative officer and the rest is the Secretary of DPWH (Department of Public Works and Highways), DOTr (Department of Transportation), DOF (Dapartment of Finance) and DBM (Department of Budget and Ma­nagement),” paliwanag ni Suarez.

“Wala ang Congress. Kung may corruption paano kami masasali roon,” pagdidiin ng kila­lang kaalyado ni Speaker Arroyo.

Tumukod din sina Coop Natcco Party-list Rep. Anthony Bravo at Negros Oriental Rep. Arnoldo Teves sa posisyon ni Suarez na walang kinalaman ang Kongreso sa korapsyon sa Road Board.

Ang Road Board ang siyang humahawak sa bilyong pisong nakokolekta mula sa mga motoristang nagbabayad ng Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) sa bawat pagpaparehistro ng sasakyan.

Sa ilalim ng Republic Act 8794, ang perang nalilikom ng batas na ito ay gagamitin lang dapat sa road maintenance at improvement ng road drainage, instalasyon ng episyenteng traffic lights at road safety device at mga proyekto para sa air pollution control.