Isiniwalat ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na oras na mabuwag na ang Road Board, mapapalitan lang ito ng tatlong ahensiya ng gobyerno na siyang maghahati sa pondo ng ahensiya.
Ayon kay Andaya, hangad ng House Bill No. 7436 na mailipat ang kapangyarihan at trabaho ng Road Board sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar, anak ng real estate tycoon na si dating Senador Manny Villar at Senador Cynthia Villar.
Magkakaroon din ng parte ang Department of Transportation (DOTr) na pinamumunuan ni Secretary Arthur Tugade at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ni Sec. Roy Cimatu.
“What the bill sought to create the Three Powerful Road Board Kings. HB (House Bill) No. 7436 now confers those powers to Three Road Kings – the DPWH, DOTr and DENR secretaries – who will exercise absolute control over the funds. Diretso ibibigay sa kanila at bahala na sila ang gagasta. Each will have dictatorial powers over the funds. No oversight,” pagsisiwalat ni Andaya.
Kasing klaro pa aniya ng sikat ng araw na sa ilalim ng panukala, ang pondo ay off-budget, hindi transparent at idedeposito sa special trust funds sa ilalim ng kontrol ng ‘Road Board Kings.’
Base umano sa magiging biyakan, 80 porsiyento ng koleksyon ay mapupunta sa kontrol ng DPWH secretary, 10 porsiyento sa DOTR secretary at ang natitirang 10 porsiyento ay sa DENR secretary.
“Worse, HB 7436 creates a new spending criteria – basura, or garbage collection, waste disposal, solid waste program. Ano ang kinalaman ng basura sa motor vehicles at isiningit at iginiit ito?” patutsada ni Andaya.
Hinamon din ni Andaya si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Benjamin Diokno na magharap sila sa isang debate para magkaalaman na kung sino ang nagsasabi ng totoo patungkol sa isyu ng Road Board. (Aries Cano)