DPWH-Villar namigay ng bilyong kontrata sa ‘sari-sari store’

Imbes na magpaliwanag hinggil sa P1.9 bilyong insertion umano niya sa 2019 proposed national budget, itinuro ni House Majority Leader at Camarines Sur Rep. Rolando Andaya ang bilyong pisong pork barrel fund ni da­ting House Speaker Pantaleon Alvarez at mga kaalyado nito.

Sa isang privilege speech, binanggit ni Andaya na itinago ang pork barrel na ito sa pamamagitan ng ‘parking scheme’ kung saan ipinarada ang P50 bilyong pondo sa lalawigan ng Sorsogon at Catanduanes sa anyo ng ‘flood control project’ ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sinabihan aniya ang mga kinatawan ng Sorsogon at Catanduanes na huwag pakikialaman ang itinabing pondo dahil sa taga-Malacañang ang may-ari nito. Ngunit ayon kay Andaya, itinanggi ito mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“So, ‘yung utos o ‘yung panakot sa ‘tin na ‘wag gagalawin ‘yan, sa totoo lang, nililinlang lang tayo para ‘wag natin makita ‘yung nangyayari,” ayon kay Andaya.

Binanggit pa ng kongresista na sa ikalawang distrito ng Sorsogon, isang single proprietorship na kapareho lang ng negosyo ng sari-sari store ang binigyan ng 13 kontrata ng DPWH para sa flood control project sa lalawigan.

“Ito pala pong contractor na ito na labing trenta na ang project, hindi man lang po pala korporasyon. Hindi man lang single A, triple A na kumpanya. Isa syang single proprietorship, para pong sari-sari store, pero ang trinatrabaho n’ya bilyon,” pagsisiwalat ng kongresista na dating Budget secretary noong administrasyong Arroyo.

Aniya, malabong mga district engineer lang ang nagkaloob ng proyekto sa contractor kundi isang mataas na opisyal ng DPWH. Ang nasabing ahensiya ay pinamumunuan ni da­ting Las Piñas City Rep. Mark Villar, anak ng real estate tycoon na si dating Senador Manny Villar.

“‘Di naman pwedeng district engineer lang ang gagawa nyan. Kailangan mayroong mas mataas na nagkukum­pas para mangyari ‘yan,” patutsada ni Andaya.

“Papano nangyari iyon? Bilyon na kontrata single proprietorship, that is bad business practice. Mali iyan, hindi puwede iyan, bawal iyan pero nangyari na at ito pa ang malala, ang mga project na iyan nasa Catanduanes at nasa Sorsogon. Saan ba ‘yung contractor na ito na single proprietorship? Sa Bulacan, papano nagyari iyon? Single proprietorship na nasa Bulacan na-corner lahat ng kontrata sa kadulu-duluhan ng ibang rehiyon. May mirakulong nangyari diyan,” dagdag pa ng mambabatas.