Sinita ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na pinamumunuan ni Secretary Mark Villar, dahil sa ikinasang parusa sa mga magsasakang mahuhu­ling nagbibilad ng palay sa national road.

Sinabi ito ni Recto matapos maglabas ng advisory ang DPWH noong Miyerkoles na ikukulong at pagmumultahin ang mga magsasakang mahuhuling nagbibilad ng kanilang palay sa kalsada, alinsunod sa Presidential Decree (PD) No. 17.

Sa ilalim ng PD 17 na ginamit na basehan ng Department Order (DO) No. 41, series of 2013 at DO No. 52, series of 2003, ang pagbibilad ng palay sa kalsada ay may multang P1,000 at kulong na hindi lalagpas sa anim na buwan.
“Ang solusyon ay hindi ikulong at pagmultahin ang mga magsasaka, kundi bigyan sila ng mga alternatibong bilaran,” giit ni Recto.

Ayon pa sa senador, kung may mga alternatibong bilarang maibibigay ang gobyerno para sa mga magsasaka ay hindi pagtitiyagaan ng mga ito ang magbilad ng kanilang ani sa kalsada.

“‘Yung sa drying, the solutions range from building more drying pavements, to concreting of farm roads, to more mechanical dryers, to the simple distribution of drying mats to farmers. Kung wala ‘yan, doon sa national highway sila mapipilitang magbilad,” sabi ni Recto.

Hinimok rin ni Recto na ilaan sa pagtatayo ng mga drying at post-harvest facilities ang makokolektang pondo ng gobyerno kapag naging opisyal na batas na ang rice tariffication bill upang hindi na magbilad pa sa kalsada ang mga magsasakang Pilipino.

“Kasama ‘yan sa plowback menu na nasa rice tariffication bill na version ng Senado. Sa Senate version, 100 percent ng koleksyon ay ibabalik sa magsasaka sa pamamagitan ng production support, new infrastructure, direct compensation at iba pa,” saad ni Recto.

“Our farmers can only plant, plant, plant if we build, build, build more farm facilities like irrigation,” dagdag nito.