DQ case kay Alan binasura ng Comelec

Wala ng hadlang ang kandidatura ni da­ting Foreign Affairs Secretary Alan Peter Caye­tano bilang kongresista ng unang distrito ng Taguig City matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes ang disqualification case laban sa kanya.

Sinabi ng Comelec na walang merito ang petisyon laban kay Caye­tano na hiwalay na tumatakbo sa kanyang asawang si out­going Taguig City Ma­yor Lani Cayerano bilang kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod.

Ang petisyon ay batay sa apela nina Atty. Emil Marañon III at Leonides Buac Jr., ng Signal Village sa Tagui­g, kaugnay sa maling nilalaman umano ng certificate of candidacy (COC) ng mag-asa­w­ang Cayetano.

Iginiit ng mga petitioner na nabigo si Caye­tano na makasunod sa requirement residency para sa kanyang kandidatura dahil itinatadhana anila ng Family Code na dapat ay magkasamang nakatira sa isang bahay ang mag-asawa.

Gayunman, sa 26-pahinang desisyon ng Comelec Second Division, ipinaliwanag dito na hindi naman sinabi ng dating kalihim na nagbago siya ng tirahan nang magparehistro sa ilalim ng ibang address na hiwalay sa tirahan ng kanyang asawa.

Tinukoy ng Come­lec ang mga nakaraang desisyon ng Supreme Court kung saan ay maaaring iabandona ng isang kabiyak ang kanilang tirahan para sa bagong lugar na nais nito o manatili sa nasa­bing tirahan na itinuturing pa ring tahana­n ng kanyang asawa. (Mia Billones)