Sinugod ng mga opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dalawang pagawaan ng mga paputok sa Bulacan nitong Miyerkoles dahil wala na silang mga lisensiya para magpa­tuloy ang negosyo.

Ipinasara ng DTI ang pagawaan ng Dragon Fireworks Inc. sa Barangay Sampaloc, San Rafael at ng Yangco Fireworks na nasa Barangay Bambang, Bocaue.

Binigyan ang dalawang kompanya ng show cause order para magpaliwanag kung bakit hindi sila nag-renew ng kanilang mga lisensiya at patuloy na gumagawa at nagbebenta pa rin ng paputok.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, tatlo na lamang ang may Philippine Standard license para gumawa ng paputok samantalang nasa 23 ito noon.

Kabilang sa tatlong may sertipikasyon ng DTI ay ang Pegasus, Phoenix at Tiger.

Naging matumal na ang bentahan ng paputok sa bansa simula nang umupo si Pangulong Rodrigo Duterte dahil nilimita nito ang paggamit ng paputok sa mga pi­ling lugar lamang sa mga barangay o lungsod. (Eileen Mencias)