Sa isang umpukan ng mga babaeng personalidad ay naging paksa nila ang isang female personality na palaging nagkakalat ng kababalaghan sa ating bayan. Kung kaharap lang siguro nila ang naturang babae ay baka mabura na ang mukha nito sa mga halinhinan nilang sampal at kurot.
Gusto nilang hamunin ang female personality sa isang one-on-one. Gusto nilang sukatin ang husay nito sa pakikipag-argumento sa harap ng mga camera at hindi basta sa social media lang na balwarte nito.
Pero komento ng isang female personality sa umpukan, “Walang mangyayaring one-on-one! Ilang ulit na siyang ini-invite sa isang political show, pero ayaw niyang mag-guest!
“Sobrang busy raw siya, napakarami raw niyang mga naunang commitments, hindi raw siya makapagbibigay ng schedule ng guesting niya. Du’n kasi siya susukatin ng mga kababayan natin, du’n malalaman kung talagang matalino siya.
“Ang tingin kasi sa kanya ng marami, e, buko na puro sabaw lang at walang laman! Isa siyang maingay na lata lang, dahil basyo ang utak niya at puro kuda lang naman siya!
“Natural, alam niyang malalagay siya sa alanganin, makikita ang capacity lang niya, kaya talagang iiwasan niyang mapahiya on national television! Gugustuhin ba niyang siya mismo ang maghuhukay ng sarili niyang libingan?
“Kaya imposible ang one-on-one! Malakas lang ang loob niyang magkukuda sa social media, pero kapag isinalang na siya sa Q & A, wala na siyang maisasagot,” komento ng isang miron sa umpukan.
Pangarap itong maka-one-on-one ng isang dramatic actress na matagal nang punumpuno sa kanyang mga kapalpakan. Gusto rin itong makaharap sa isang argumento ng isang singer-actress na sukang-suka na sa pagiging sipsip nito sa kanyang idolo.
Pero walang magaganap na pagtutuos dahil marunong umiwas ang female personality sa kahihiyan. Isang malaking kahihiyan nga naman ang mapatunayan ng publiko na puro satsat lang naman pala ang maepal na babae pero wala namang binatbat.
“Mukha niya!” nasabi na lang ng mga magkakaumpukang babaeng personalidad patungkol sa kanilang kinaiinisang mapapel na girl.
Ai-Ai apektado sa pagmumura sa Diyos
Ramdam na ramdam namin ang matinding emosyon ng Comedy Concert Queen na si Ai-Ai delas Alas sa malawakang isyung pinagpipistahan ngayon tungkol sa pananampalataya.
Iba-ibang sektor na ng lipunan ang kumalaban kay Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa maselang isyu ng diumano’y pagmumura sa Panginoon, hindi naging maganda sa panlasa ng ating mga kababayan ang mga salitang pinakawalan ng presidente, sadya man ‘yun o hindi.
Bilang isang Kristiyanong bansa ay talagang hindi ‘yun makalulusot sa damdamin ng mga Pinoy, mag-aaklas ang kanilang damdamin, dahil Diyos na ang sangkot sa usapin.
Sa mga hindi pa nakakaalam, si Ai-Ai delas Alas ay nagpapaaral ng mga pari, ibinabahagi ng komedyana ang malaking bahagi ng kanyang kinikita sa pagpapaaral ng mga itinuturing na alagad ng Diyos.
Natural lang na malaki ang naging epekto sa kanya ng pagsalat ng pangulo sa usapin ng pananampalataya, hindi man direktang tinutukoy ni Ai-Ai ang gusto niyang tumbukin, kahit batang nasa grade one ay alam na kung ano ang kanyang saloobin.
Madalas sabihin ng kahit sino na maaari niyang kalabanin ang kahit sino, puwera lang ang Diyos, dahil walang kahit sinong mas mataas pa kesa sa Kanya.
Ang ating buhay ay hiram lang, may tunay na may-ari ng ating kahapon, ngayon at bukas, na kailangan nating isauli sa takdang panahon dahil hiram nga lang.
Anumang meron tayo ngayon, kayamanan man ‘yun o kapangyarihan, ay pansamantala lamang. Sa isang iglap lang, sa isang pitik lang ng daliri, ay lilipad sa ating mga palad kapag gusto nang bawiin ng nagpahiram.