Kulong ang inabot ng isang 44-anyos na driver matapos ireklamo ng mag-asawang pinagbentahan niya ng pekeng prangkisa para sa linya ng UV Express sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng hapon, sa isang mall sa Binondo, Maynila.

Kinilala ni Manila Police District-District Police Intelligence Operations Unit Chief Insp. Rosalino Ibay ang suspek na si Anthony Perolina Breganza, may asawa, residente ng No. 35 Narra St., Gatcha­lian, Manuyo 2, Las Piñas City na nakatakdang sampahan ng reklamong estafa at falsification of public documents.

Nabatid kay Ibay, nagpunta sa kanilang tanggapan ang mag-asawang pansamantalang itinago ang pagkakakilanlan, para ireklamo ang suspek matapos hindi umano ibalik sa kanila ang P60,000 na ibinayad nila sa UV Express Franchise documents.

Naberipika sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mag-asawa na peke ang dokumento ng prangkisa na ibinigay ng suspek.

Nagawa pang hanapin ng DPIOU sa pangunguna ni SPO1 Dennis Insierto ang orihinal na may-ari ng prangkisa na nagsabing hindi niya ibinibenta ang dokumento at prangkisa.

Sanhi nito, tinawagan umano ang suspek ng mag-asawa subalit ayaw na umanong makipagkita at sumagot hanggang sa kamakalawa, Pebrero 23, 2018 ay nakumbinse ito na lumutang nang may magpanggap na bibili rin ng prangkisa.

Alas-singko ng hapon nang makipagkita sa parking lot ng Divisoria mall ang suspek at doon na siya inaresto at nasamsam mula sa kanya ang mga pekeng prangkisa at P30,000 cash na ginamit sa entrapment.

“Bale double-sale ang ginawa niya sa isang dokumento, iisa lang franchise number pero dalawa ang papel, ‘yung isa ibinenta daw niya sa isang Lani na pinsan niya at ‘yung isa ay dito nga sa mag-asawa kaya ang total ay P80,000.

Pero ang bentahan niya ay hanggang P220,000 kaya posibleng may koneksiyon ito sa loob ng ahensiya para magawa niya ito,” ayon kay Ibay.