Pagkatapos ng 11 sunod na larong pagliban, babalik na si Draymond Green kapag ini-host ng Golden State ang Minnesota Timberwolves ngayon sa Oracle Arena.
Sa pagbalik ni Green, ang best defensive player ng NBA sa kasalukuyan, ay makukumpleto na ang All-Stars ng Warriors kasama sina Stephen Curry, Kevin Durant at Klay Thompson.
Naunang bumalik si Curry mula groin injury.
Huling naglaro si Green noong Nob. 15 nang iwasiwas ng Houston Rockets ang Golden State.
Inabot ng sprain ang daliri sa paa ni Green kontra Memphis noong Nob. 5, dalawang laro lang ipinahinga at agad bumalik. Hindi pa pala fully healed ang injury, lumala at natengga ang emotional leader ng Warriors.
Mula nang unang abutin ng injury ay naka-14 games na absent si Green.
Bago siya nawala ay 10-1 ang Warriors. Sa sumunod na 16 games (kasama ang dalawang laro na sumalang siya kahit hindi pa gumagaling ang injury) ay 8-8 ang team.
Habang naglalaro si Green, nagbigay lang ang Golden State ng 106.3 points per 100 possessions ng kalaban. Mula nang magka-injury, namigay na ang team ng 110.5 points per 100 possessions.