Nanaginip akong nalulunod, nagkakakawag sa tubig at walang sumasagip sa akin.
Ang managinip na lumalangoy sa dagat ay isang palantadaan na kontrolado mo ang iyong emosyon at kung sa panaginip mo ay bigla ka na lamang nalunod at unti-unti ka nang lumulubog sa tubig, isa itong indikasyon na nalulunod ka na sa mga pressures at stress ng buhay.
Ang dagat para sa iyo ay representasyon na tila napakalaki ng pinagdadaanan mo at dahil dito ay halos malunod ka na sa dami ng alalahanin, mga problema at iba-ibang balakid ng buhay.
Nararamdaman ng sub-conscious mo ang epekto ng iba’t ibang impluwensyang nagpapahina sa iyo at nailabas ito sa pamamagitan ng iyong panaginip na ikaw ay nalulunod.
Kung sa pakiramdam mo ay nangyayari ito, halimbawa sa iyong relasyon, nape-ressure ka na ba sa partner mo?
Masyado ba siyang nagiging demanding? Maaari rin itong ipakahulugan na tingin mo ay nawawala na ang identity mo dahil sa sobrang lakas ng personalidad at impluwensya ng iyong kapareha sa buhay.
Kung sa trabaho o pag-aaral, maaaring sobrang stressful ang pinagdaraanan mong mga trials.
At dahil sa iyong panaginip ay wala man lamang sumasaklolo sa iyo, ganito rin ang nararamdaman ng subconscious mo—na walang nakakaunawa sa pinagdadaanan mo kaya feeling mo ay nag-iisa ka lamang at walang sumasagip sa iyo.
Anuman ang iyong pinagdaraanan, nagpapaalala ang isip na kailangan mo ring magrelaks. Lumayo pansamantala sa pressures. Hindi naman kailangan ng pisikal na paglayo sa halip ay pansamantala lamang idistansya ang sarili sa mga kaseryosohan para makapagrelaks.
May maitutulong ang mga loyal na kaibigan, maaaring isa sa kanila ang tunay mong pinagtitiwalaan—isang BFF na puwedeng paghingahan ng mga ‘hugot’sa buhay.
‘Wag sarilinin ang bigat ng nararamdaman, alalahaning hindi ka nag-iisa. Meron kang kapamilya, kaibigan at kapuso na puwede mong sandigan kapag pagod ka na.
Dream Catcher
DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng general information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, sumulat sa dreamcatcher@abante-tonite.com.