DREAM CATCHER

Ang lumang bahay,
ang tuta at ang bag

Dear Dream Catcher,

Nais ko lang sanang magtanong tungkol sa aking pana­ginip. Nakatambay po kami sa isang bahay na ang itsura ng bahay na ‘yun eh bahay namin sa Sampaloc, Maynila. Matagal na kaming wala doon. Habang nakaupo kami, may lumapit na tuta at bigla niya kinagat ang bag ng kasama ko. Pilit kong inagaw ‘yung bag pero bigla na lang naging wild ang tuta at kinagat ako sa daliri sa hinlala­ki at hinlalato sa kanang bahagi ng aking kamay. Binitawan ko ang bag maya-maya konti kinuha ko ulit. Kinagat niya ulit ako at galit na galit ang tuta. Sabi ko sa mga kasama ko papaturok na lang ako ng anti-rabbies. Bigla na pong naiba ang a­king panaginip.

Reynante

Tatlong simbolismo ang nangibabaw sa iyong panagi­nip: ang lumang bahay niyo, ang tuta na kumagat sa iyo at ang bag na inaagaw ng tuta.

Ang panaginip tungkol sa lumang bahay mo kung saan ka lumaki ay sumisimbolo sa pagbabago. Maaaring indikasyon din ito na hinahanap-hanap mo ang buhay mo noon. Kung naging masaya ka sa lumang bahay niyo at marami kang na-miss na mga kababata o kakilala, maaaring hinahanap-hanap ng iyong isip ang mga panahong naging relaks ka. Kung hindi ka naman naging masaya sa lumang bahay, posibleng ang iyong panaginip ay idinulot ng isang sitwasyon kung saan nakakaranas ka ng anxiety na maaring dulot ng isang pinagdaanang sitwasyon o pagdadaanan pa lamang.

Madalas napapanaginip ang iyong childhood home kung nakaranas ka ng anumang pangyayari na siyang naging trigger para hanap-hanapin ng iyong subconscious ang buhay mo dati.

Ang panaginip naman na kinagat ka ng isang aso ay ikinokonek din sa pagbabago at sa pagtutol ng iyong kalooban sa pagbabagong kinakaharap mo.

Puwede rin itong ikonek sa iyong career development kung saan pakiramdam mo ay maaari kang makagawa ng maling hakbang na ikadidiskaril nito.

Ang bag ay sumisimbolo naman sa bagong panimula o new beginning kaya tulad ng kagat ng aso at lumang pagbago, maikokonek mo pa rin ito sa pagbabago.

Ang bag na binibitbit ng aso tulad sa iyong panaginip kung saan ito ang inaagaw ng aso ay indikasyon din na nahaharap ka sa pagbabago.

Makikita mo ang tatlong simbolismo ay pawang tumutukoy sa pagbabago. At ikaw lamang ang tunay na nakakaalam ng takbo ng buhay mo. May pagbabago ka bang kinakaharap? Ito ba’y iyong kinatatakutan? Sa iyong mga kasagutan mo mahahanap ang tunay at pinakamalapit na interpretasyon ng iyong panaginip.

Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CATCHER ay nagbibigay lamang ng gene­ral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispirit­wal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.