Dumating ang katuparan ng pangarap ni Olympic silver medalist Hidilyn Diaz na makapagtayo ng weightlifting gym para matulungan ang mga batang gusto rin sumabak sa kanyang sport.

“Primary purpose ko po talaga is gusto ko pong tulungan mga bata sa amin na ma-realize ang dream nila sa weightlifting.” pahayag ni Diaz. “Sa weightlifting, posibleng magbago ang buhay nila at baka maging kagaya nila ako o baka sila pa ang mag-uwi ng gold medal sa Olympics.”

Tinuldukan ni Diaz ang 20-year medal drought ng Pilipinas sa Olympics sa binuhat na silver sa Rio Games.

Sa Mampang, Zamboanga City itinayo ni Philippine Sportswri­ters Association Athlete of the Year Diaz ang gym malapit sa lugar ng kanyang mga estudyante para hindi na sila gumastos sa pamasahe.

Ang chief instructor ng kanyang gym ay si regional coach Allen Jayfrus Diaz at ibang senior weightlifters.

“Kapag umuuwi ako sa Zamboanga, tinuturuan ko ang mga bata and ina-advice ko sila kung ano mga kaila­ngan nila i-improve at palakasin,” dagdag ni Diaz. “Minsan din via Facebook group na lang, doon ko tinitignan ang mga mali nila sa training at sinasabi ko doon kung anong correction and dapat gawin,”

Pero hindi pa tapos si St. Benilde student Diaz, marami pang equipment na kailangan ang gym tulad ng rubber mats at barbells at ayon sa kanya ay nangako ang Pioneer, Bosch at Bank of the Philippine Islands na tutulungan siya.