Nakadidismaya ang nangyari sa isang Filipino crew member ng pinakamalaking luxury cruise ship sa mundo, ang Harmony of the Seas, habang ito’y naka-dock sa Marseille, France kahapon.
Ang 42-taong-gulang na kababayan natin ay nakasakay sa isang lifeboat kasama ng apat na iba pa nang ang lifeboat ay mahulog sa tubig mula sa topdeck.
Lumalabas na naputol ang tali ng lifeboat at bumagsak ito ng 35 feet na ikinasawi ng OFW. Dalawa sa apat na kasama ng Pinoy ang kritikal ang lagay as of this writing.
Emergency drill
Ang aksidente ay nangyari habang nagsasagawa ng emergency drill ang crew ng luxury cruise ship na mas mahaba pa sa Eiffel Tower kung ang iconic structure ng Paris ay ihihiga katabi ng barko.
Siguradong marami sa may 2,400 crew ng Harmony of the Seas ang OFWs rin kung kaya sadyang malungkot ang pangyayari.
It is something that could have happened to anyone. Bakit? Regular kasi talaga ang training sa pag-deploy ng lifeboats sa mga barko.
120,000 tons
Ang cruise ship na may lapad na 66 meters at haba na 362 meters ay galing ng Isla ng Majorca sa Spain nang dumating sa Marseille. Ito ay may bigat na 120,000 tons.
Ang barko ay may 2,400 crew na nagsisilbi sa may 6,000 pasahero. Yes, ganun kalaki ang Harmony of the Seas na kung titingnan ay parang isang floating hotel.
Ang trahedya ay isa na namang paalala na delikado ang magtrabaho sa mga barko kung kaya ibayong pag-iingat dapat ang gawin ng ating sea-based OFWs.
Eye-opener
Ang pangyayari ay eye-opener rin para sa lahat ng sea-based OFWs kung bakit napakahalaga ng kanilang insurance coverage at health benefits. Sa ngayon ay patuloy ang pagsusulong ng mga nasa sector ng maritime deployment na mas itaas pa ang pabenepisyo ng sea-based workers, pati na ang kanilang hazard pay.
Follow Me On Twitter @beeslist. Kung may ipinagsisintir, tawag na sa 551-5162 o mag-email sa usapang_ofw@yahoo.com.