Drilon kay Duque: Magdasal ka kung ayaw mo mag-resign

Ipinahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na makabubuti pang magdasal na si Department of Health Secretary Francisco Duque III kung ayaw nitong mag-resign kasunod ng pahayag na kasalukuyan nang nararanasan sa Pilipinas ang second wave ng COVID-19 pandemic.

“Nakakagulat at hindi ko alam ang punto roon. It serves no purpose except to heighten the tension. Hindi naman totoo. Nakakalungkot. Maraming pagkukulang,” pahayag ni Drilon sa panayam sa dzRH.

Ayon pa senador, naguguluhan din siya sa ibinibigay na magkakaibang datos ng mga opisyal ng gobyerno tungkol sa mass testing.

“Halimbawa nang tinanong ko si Duque kung ilan ba ang nate-test ngayon. Ang sagot ay less than 10,000. Tinanong niya ang staff niya at lumabas ay 11,500. These are basic na dapat at his fingertips alam niya,” sabi ni Drilon.

Binigyang-diin ni Drilon na maapektuhan ang kredibilidad ng gobyerno kung magkakaiba ang datos sa COVID-19.

“Ang prevention ng spread ng COVID-19 ay malaki ang tulong o factor na kumpiyansa ang taumbayan sa mga reglamento na inilalabas ng IATF. Kung hindi magkakasundo sa basic data, it affects their credibility,” sabi Drilon.

“Kung ang nakikita mo ay mali-mali ang data, hindi nagkakasundo kung ano ang standard, talagang nawawalan ng tiwala ang taumbayan sa kakayahan ng pamahalaan na ma-contain `cyung virus na ito,” wika pa ng senador.

Muling iginiit ni Drilon na kailangang magkaroon ng mass testing dahil ito aniya ang magiging tamang batayan sa pagbubukas ng lahat ng negosyo at magkakaroon na patuloy ng lockdown.

“Uulitin ko lang, para magkaroon ng tamang batayan, ang pagbukas at continued lockdown, ang kailangan natin ay mass testing kaya sinisikap natin na magkaroon ng 50,000 tests dahilan po kung hindi natin alam kung ilan sa atin ang kontaminado, magla-lockdown na lang tayo ng magla-lockdown,” ani Drilon.

“Kung alam natin kung ilan talaga, we can have a more rationale decision. Ang problema kahit yung DOH hindi nila alam kung ilan dahilan sa yung testing nila ay inadequate,” sambit pa nito.

Sa tanong kung hihilingin niya na magbitiw sa puwesto si Duque, sinagot ito ni Drilon na, “If he will not resign, he at least should pray.” (Dindo Matining)