Kailangan daw apru-bahan ni Senate President Franklin Drilon ang balik-boksing ni Manny Pacquiao sa Nob. 6 (PHL Time) sa Las Vegas.
Senador na kasi si Pacquiao at si Drilon ang boss-tsip ni PacMan.
Mahirap ang tayo ni Drilon. Kapag binawalan niya si Pacquiao, maraming magagalit.
Una na riyan ay ang sangkaterbang tagahanga ni Pacquiao. Walang kamatayan ang kanilang paniwalang puwede pa si Pacquiao.
Sunod diyan ang mga alalay at miyembro ng Team Pacquiao. Kasi, sa tuwing may laban si Pacquiao, kikita rin sila. Dahil kasama sila sa preparasyon, sinumang makatapyas ng may pinakamaraming bigat-timbang pagkatapos ng treyning ay may iuuwing pera.
At siyempre, bawal kumitil ng kalayaan sa ilalim ng demokrasya. Alam ni Drilon na kapag hindi niya pinayagan si PacMan, uulanin siya ng batikos.
Bilang superstar, naa-bot na kasi ni Pacquiao ang estado na halos ay hindi na siya puwedeng magkamali. Ini-idolo’y ganyan.
Mantakin: Sa halos 400 sesyon ng Kongreso, halos 5 beses lang siyang dumalo bilang kongresman. Pero may nagalit ba?
Kung meron man, konti lang. Ang isang patunay diyan ay nang manalo siyang Senador noong Mayo 9. Lab-pa-more siya ng bayan.
Edad 37 si Pacquiao. Puwede pa siya. Nakita natin iyan nang sinisiw niya si Tim Bradley noong Abril.
Kayat tandaan: Kapag pumalag si Drilon, papalagan siya ng bayan.