Driver binaril, pinasabog ang nguso

Sabog ang nguso at may daplis na tama ng bala sa leeg ang driver ng isang Hyundai Starex van kahapon ng madaling-araw sa Northbound ng EDSA cor. Roxas Blvd. Flyover, Brgy. 76, Pasay City.

Sa imbestigasyon nina PSSg. Alfredo Aquino Jr. at PSSg. Jimmy Rufo, ng Pasay Police, kinilala ang biktima na si Resty Cervantes Jr. y Baco na isinugod sa San Juan de Dios Hospital. Naganap umano ang insidente alas-2:40 ng madaling-araw.

Sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho umano ng biktima ang puting van na may plakang NBZ 8969 kasama ang dalawang Korean national mula sa Okada patungo sa Mandaluyong.

Sakay naman ang mga suspek sa pulang Toyota na biglang sumulpot at binaril ang biktima bago mabilis na tumakas.

Hinala ng pulisya, road rage ang nangyari na humantong sa pagbaril sa biktima dahil may nakaalitan umano ito.

Binaril din ang windshield at binasag ng suspek ang salamin ng bintana ng sasakyan.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso. (Juliet de Loza-Cudia)