Driver ng ambulansya tinutukan ng baril ni doc

Kulong ang isang lisensyadong dentista ng Quezon City matapos manutok ng baril sa isang driver ng ambulansya na naghahatid ng pasyente sa national highway sa Barangay Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya noong Linggo.

Kinilala ng Bambang Police Station (BPS) ang suspek na si Dr. Apolonio Padron, 52, isang dentista, tubong Quezon City.

Samantala, ang biktima naman ay si Victoria­no Espiritu, 64, ambulance driver, ng Villaflor, Sta. Fe, Nueva Vizcaya.

Sa imbestigasyon ng BPS, ayon na rin kay Espiritu, nagmama­neho siya ng ambulansya upang dalhin sa pagamutan ang isang pasyente. Minamaneho naman noon ng suspek ang Mitsubishi Montero­ na may plakang PQUI 486 nang bigla umanong mag-cross sa highway na halos mabangga ang minamaneho ni Espiritu.

Dito, binaba ng ­suspek ang bintana ng kanyang sasakyan saka tinutukan ng baril ang biktima at pinagbantaan bago tumakas.

Dahil sa pangyayari, isang empleyado sa loob ng ambulansya ang tumawag sa Sta. Fe Police Station na agad nagtatag ng checkpoint.

Sa checkpoint, sa halip na itigil ang kanyang sasakyan, pinaharurot pa umano ito ng doktor ngunit nasukol ng mga BPS sa masikip na trapiko.
Nahaharap ngayon­ sa kaukulang kaso ang doktor. (Allan ­Bergonia)