Patay ang isang driver na dati ng sumuko sa ‘Oplan Tokhang’ makaraang barilin ng isang lalaki na lulan ng motorsiklo kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Namatay noon din ang biktimang si Eugene Abella, 26, naninirahan sa Barangay Rizal ng naturang lungsod sanhi ng anim na tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan.

Base sa natanggap na report ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Tomas Apolinario Jr. dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa Seagull St., Barangay Rizal habang pasakay ang biktima sa kanyang tricycle upang mamasada nang biglang dumating ang walang plakang motorsiklo at saka pinagbabaril ang biktima.

Ayon sa live-in partner ng biktima na si Ferly Granada, isa umanong alias ‘Jimmy’ ang minsang nanutok ng baril sa asawa nito at pinagbantaang papatayin ito.