Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang isang Grab driver na ‘suma-sideline’ sa pagtutulak ng droga sa ikinasang buy-bust operation laban sa kanya sa Cubao, Quezon City, kahapon ng umaga.
Kinilala ang suspek na si Eladio Tiburcio y Pineda, 44, ng Roxas St. ng nasabing lungsod na ayon sa mga awtoridad ay nag-iikut-ikot pa sa mga bar sa Quezon City para maghanap ng kanyang mga parokyano.
Ayon sa QCPD Cubao Police Stn. 7 nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mapagkakatiwalaang source na mayroong Grab driver na nagtutulak sa lugar ng Cubao kung kaya’t agad na nakipag-ugnayan ang pulisya sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para ikasa ang buy-bust operation.
Isa sa mga operatiba ang nagsilbing poseur-buyer gamit ang P500 buy-bust money at bumili ng shabu sa suspek sa Gateway, Araneta Avenue, Cubao, Quezon City.
Nasa aktong nagkakaabutan nang dinampot ng mga pulis ang nasabing Grab driver na drug pusher.
Narekober sa suspek ang isang medium-sized at isang maliit na sachet na hinihinalang naglalaman ng shabu, dalawang cellphone, ang P500 buy-bust money, at ang minamaneho nitong silver na Toyota Vios na may conduction sticker na VK 2391.
Ayon sa mga awtoridad nasa mahigit na P10K na halaga ng droga ang narekober mula sa suspek.