Driver sa N. Ecija dedo sa saksak

RIZAL, Nueva Ecija — Nasaksak pala sa katawan kaya nahulog sa tricycle ang isang 48-anyos na lalaki noong Lunes ng hatinggabi sa Brgy. Poblacion Sur sa bayang ito.

Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Mayor Lito Andres nakilala ang nasawing biktima na si Romeo Del Rosario Laminato, tricycle driver at residente ng Purok Kaipilan, Brgy. Poblacion West dito.

Nabatid sa imbestigasyon ni PO2 Reynante Menia na dakong alas-11:30 ng gabi, pauwi na ang biktima kasama ang kaibigang si Rudy Torres Narciso, 51, matapos mag-inuman nang biglang mahulog sa tricyle.

Doon nalaman na nasaksak pala ang biktima at na­ging palaisipan kung paano umano ito nagtamo ng saksak na naging sanhi ng kamatayan nito.