Patay ang isang 38-anyos na tricycle driver na yumakap para awatin ang nagwawalang ex-convict nang ito ang pagbalingan ng huli kamakalawa sa Sta. Cruz, Maynila.

Hindi na umabot ng buhay sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa tinamong saksak sa magkabilang tagiliran ang biktimang si Leoncio Natividad y Lauta, ng 1037 P. Guevarra St., Sta. Cruz, Maynila. Sugatan naman ang isang Fernando Naz, ng 1045 P. Guevarra St., Sta. Cruz.

Arestado naman ng mga barangay tanod ang suspek na si Rommell Timoteo alyas ‘Barok’, miyembro ng Sputnik Gang, taga-1029 Pedro Guevarra St., Sta. Cruz at nasa kustodiya na ng Manila Police District-homicide section.

Sa imbestigasyon ni P/Corp. Camilo Ross Cunanan, ng MPD-hs, naganap ang insidente dakong alas-10:10 nang gabi sa Fugoso St., Sta. Cruz.

Nalaman na nagsisigaw ang suspek sa harap ng ina ni Naz at naghahamon ng away. Inawat umano ni Naz ang suspek dahilan para harapin nito si Naz.

Dito na lumapit si Natividad sa suspek para yakapin at awatin pero siya ang napagbalingang saksakin ng suspek.

Mabilis namang isinugod ang biktima sa pagamutan pero ‘di na umabot ng buhay. Tinangka pang tumakas ng suspek pero dahil sa mabilis na responde ng mga barangay tanod ay nahuli ito at narekober ang patalim na ginamit. (Juliet de Loza-Cudia)