Driving schools inspeksyunin

Tutal ay aligaga ang gobyerno sa pangu­nguna ng Department of Transportation (DOTr) sa pagresolba sa problema sa trapiko ay isang suhestyon ang nais nating iparating at ito ay ang pag-inspeksyon sa mga tila kabuteng nagsulputang mga driving school sa Metro Manila.

Bakit natin kinakaladkad ang mga driving schools na ito? Ito ay dahil marami sa kanila ang basta na lamang nag-operate sa mga pangunahing kalsada gayong wala naman silang sariling mga paradahan.

Saan ka naman nakakita ng isang dri­ving school na ang parada­han ng kanilang mga ginagamit na sasakyan sa pagtuturo ng mga estudyante o aplikante ay sa harapan lamang ng kanilang napakaliiit na mga puwesto.

Dahil sa kawalan ng sariling paradahan ng mga branches ng naglipanang mga driving school ay nagsisilbing paradahan ng kanilang mga sasakyan ay ang kalsadang dapat ay daanan lamang ng mga tao.

Ang hirap kasi talaga sa mga local government unit (LGU) ay napakaluwag sa mga ganitong klaseng negosyo. Madagdagan lamang ang kita ay basta na lamang apruba nang apruba nang hindi nagsasagawa ng masusing inspeksyon.

Sa ngayon ay naglipana ang mga driving school sa Metro Manila at makikita ang mga ito kung saan-saang maliliit na lugar.

Kaya dapat ay inspeksyunin ng mga LGUs gayundin ng mga ahensya ng gobyerno na may kina­laman sa ganitong usapin.

Bukod sa mga walang paradahang mga driving school, dapat ding suyurin ng mga tauhan ng Metropo­litan Manila Development Authority (MMDA) at mga taga-traffic bureau ng mga LGU ang naghamba­lang na mga pampasaherong mga bus sa mga pangunahing kalsada, partikular sa bahagi ng Commonwealth Ave­nue at Quirino Highway, kapwa sa Quezon City.

Isama na rin ang mga funeral chapels at mga restaurants sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na ginagawang malaking parada­han ng kanilang mga kli­yente ang national road kaya nagsisikip ang napakalapad ng Commonwealth A­venue.

Kapag natutukan ng mga LGU katuwang ang MMDA ay hindi mala­yong maibsan kahit papaano ang sobrang sikip ng daloy ng trapiko sa nabanggit na mga lugar.

Sa kasalukuyang sitwasyon ng ating trapiko sa Metro Manila, kinakaila­ngan na ang seryosong pagpapatupad ng mga batas at ordinansa na may kaugna­yan sa pagparusa sa mga pasaway na nagiging sanhi ng masikip na daloy ng trapiko.

Maliban sa aking mga nabanggit, isa sa pangunahing kailangan upang masolusyunan ang problema sa trapiko ay ang pagpapairal ng disiplina sa mga motorista at ng taumbayan pagdating sa kalsada.

Kapag nagawa natin ang lahat ng ito ay hindi na kailangan pang gumugol ng malaking halaga para solusyunan ang dinaranas nating monster traffic.